24 October 2016
Georgina Hernandez
Spokesperson, Office of the Vice President
Q: Status ng relief?
Georgina: Tungkol po sa relief distribution, nais po namin ipaliwanag na ang ahensya po talaga na namamahala ng relief distribution ay ang DSWD at ang Office of Civil Defense kasama po ng mga LGUs.
Pero nais din po ibahagi na noon pong October 21, sa pag-imbita po ng LGU ng probinsya ng Isabela at Cagayan, ay bumisita nga po si VP Leni sa mga munispyo at barangay na naapektuhan po ng bagyong Lawin upang personal na makita ang damage ng bagyo at makiisa po at dalhin ang imahe ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyong Lawin.
At ang adhikain po ni VP Leni ay makipag-ugnayan po sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Dahil may nabanggit po ang mga Mayor na may mga nasirang tulay, so amin po itong iniuugnay sa DPWH.
May mga pangangailangan po sa gamot na inuugnay naman namin sa Department of Health.
At may mga kailangan ayusin na eskwelahan at ibalik na mga kuryente.
So isa pong naging resulta ng pagpunta ni VP Leni sa Isabela at Cagayan noong October 21 ay iyon pong pag-uugnay namin sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Doon naman po sa usaping sa housing dahil isa po ito sa aming mga mandato, kami po ay pumapasok doon sa rehabilitation stage kung saan po ay nais po namin na magkaroon ng access sa mga calamity loans sa pamamagitan ng Pag-IBIG ang mga pamilya na naapektuhan ng bagyo.
Kaya po buo na po ang aming mga teams, bukas po ang mga branches ng Pag-IBIG sa Northern Luzon upang mag-about ng calamity loan. At pag-uusapan po sa Board ng Pag-IBIG kung puwedeng mas lakihan ang maximum na calamity loan base po sa pangangailangan ng mga pamilya.
Kasama din po dito ang pagtutulay namin na makapag-claim ng insurance iyon pong mga nasa Pag-IBIG zone na nasiraan din po ng mga bahay.
Q: Nakakataba naman ng puso ang gesture ng OVP. Siyempre siya ang tumatayo na ina nating lahat.
Georgina: Tama po iyon.
Ang desisyon po ni VP Leni na pumunta sa lalong madaling panahon doon sa Cagayan at Isabela ay bunsod na din ng kanyang responsibilidad bilang pangalawang pangulo na personal na makiramay po doon sa mga nasiraan ng bahay, nawalan ng mga ari-arian.
At alam na alam po ni VP Leni kung papaano ang nararamdaman ng mga pamilyang nasa Isabela at Cagayan dahil ikinuento nga po niya doon sa mga nakausap niya doon na sila po sa Bicol, Camarines Sur, at Naga, madalas din pong tinatamaan ng bagyo kaya alam din po niya kung papaano tulungan po sila na makatayo muli sa sarili nilang paa.
Q: Alam niya ang mga pangangailangan kasi laging may bago diyan sa Bicol.
Georgina: Tama po iyon.
Q: Salamat po, regards po kay VP Leni at sana mag-ingat siya at maging healthy siya dahil buong Pilipinas ang kanyang iniikot.
Georgina: Maraming salamat po at magandang umaga!