21 March 2017
Spokesperson, Office of the Vice President
Q: Iyon pong letter na pinadala at pinakita kahapon doon sa PNP ay as of the latest nagkaroon na po ba ng sagot ang PNP sa inyo?
Georgina: Hindi pa po tayo nakakarinig mula sa DILG at mula sa PNP. Bagama’t ang nailabas po natin kahapon sa publiko na mayroon nga hong sulat January 24, at halos dalawang buwan na po hanggang ngayon hindi pa ho tayo nakakatanggap ng sagot mula sa DILG at PNP.
Q: Kanina po, to be more precise, nagsalita po ang PNP Chief na ang listahan daw po na iyon ay nagtatanong lang ng listahan pero hindi naman dinetalye ang palit-ulo.
Georgina: Dahil iyong mga urban poor groups po na nakausap ni VP Leni, first week of February po niya nakausap.
At iyong sulat natin ipinadala bago ho niya nakausap ang mga urban poor families na nag-report tungkol sa palit-ulo. Pero ang sa amin ay hinihintay natin ang sagot mula sa unang sulat. At mula doon sana ay makakapag-usap tungkol sa mga detalye.
Q: May sinasabi po si Senate President Koko Pimentel na maitatama pa naman ang sitwasyon na nangyari. Thoughts po ng OVP doon?
Georgina: Sa tingin po namin tama ang magsabi ng totoo. At ang ginawa po ni VP Leni sa kanyang pahayag ay ikuwento kung ano ho ang mga nararanasan ng mga ordinaryong pamilyang Pilipino patungkol po sa extra judicial killings at wala pong kailangang itama sa bagay na iyon.
Q: Reaction lang po doon sa statement ng mga critics after ng statement.
Georgina: Alam naman ho natin na hindi na ito bago. Ilang buwan na ho simula unang araw ng panunungkulan ni VP Leni bilang pangalawang pangulo ay hindi na po natapos ang pagbato ng mga kritiko sa kanya ng iba’t ibang issue kaya isa lamang ito sa mga hadlang na sa tingin namin ay malalampasan ni VP Leni habang patuloy po siyang nakatutok sa kanyang mandato at sa kanyang trabaho kasama po dito ang Angat Buhay na programa ng ating opisina.
Q: Nag-file na ng impeachment, may complaint na raw po? Aware na po ba kayo?
Georgina: Ang pagkakaalam pa lang po namin ay nakipag-ugnayan si Atty. Lozano kay Speaker Alvarez, as to whether ito po ay opisyal nang nai-file, hindi po natin alam pa iyon at hindi pa ho natin nakikita ang dokumento na isinulat ni Atty. Lozano.
Q: Pinapa-endorse daw kay Speaker…
Georgina: Ang sa akin lang umaasa tayo na dadaan ito sa tamang proseso at titingnan talaga in terms of substance kung may sapat po bang basehan.
Pero kung titingnan natin serial filer na rin naman ng impeachment complaint si Atty. Lozano, at so far alam naman natin kung ano na rin ang mga nangyayari doon.
Q: Ang maiisip ni VP Leni kasi may numbers ang super majority baka, siyempre kung boboto sila sa kanilang party lines, puwede siyang ma-impeach.
Georgina: Sana beyond being a purely numbers game, ay makita rin natin na bumoto ayon sa prinsipyo, ayon sa totoo at ayon sa tama ang ating mga kinatawan sa kamara.