Senate of the Philippines
Q: Ma’am, bakit po kayo nandito sa Senate?
VP LENI: Nagkaroon ako ng speaking engagement sa Education Summit sa PICC. Naisip ko na malapit na din. Makausap man lang si Senator Trillanes para maabutan ng suporta.
Q: Anong tingin niyo doon sa ginagawa sa kaniya ngayon, na mayroong possibility na ma-arrest siya?
VP LENI: Ang nakakabahala dito—hindi lang para kay Senator Trillanes, pero para sa lahat na… lahat sa atin na mayroong pagpuna, mayroong hindi sinasang-ayunan na polisiya o desisyon ng pamahalaan—na ginagamit iyong lakas, ginagamit iyong kapangyarihan para mag-attempt na i-silence iyong opposition. Iyong sa akin, mas iyong epekto natin sa lahat na makapagpahayag ng ating saloobin, sana hindi ito maging dahilan para matakot ang ating mga kababayan. Bagkus sana maging dahilan ito na magkaisa tayo.
Q: May move ba iyong opposition, Ma’am, to protect Senator Trillanes? What’s the plan of the opposition, Ma’am?
VP LENI: Iyong oposisyon naman, parati namang pinag-uusapan na para sa kabutihan, parating nagkakaisa. In fact, noong lumabas iyong balita na ni-revoke iyong kaniyang amnesty, nasa meeting kami—kasama ko si Senator Trillanes. Nasa meeting kami kasi tinitingnan kung paano magkakaroon ng united na senatorial slate. At noong lumabas iyong balita, kinailangan ni Senator Trillanes na pumunta dito sa Senado para alamin iyong detalye ng revocation ng kaniyang amnesty.
Pero iyong sa atin kasi, malinaw na pangha-harass ito. Malinaw iyong dahilan kung bakit ito ginagawa. Mariin nating tinututulan iyong ganitong paraan, iyong paggamit ng kapangyarihan para patahimikin iyong may hindi kaparehong opinyon sa pamahalaan.
Q: Do you think this is a bit too much? Ano iyong tingin niyo na parang breaking point? Kasi after Senator De Lima, it’s Senator Trillanes this time.
VP LENI: Iyong sa akin kasi, any attempt ng pamahalaan na gamitin iyong kapangyarihan para sa bagay na hindi tama, parating too much. Dapat iyong pamahalaan ginagamit niya iyong kapangyarihan niya para magdala ng kabutihan. Maraming problema ngayon iyong ating bansa. Napakataas ng ating inflation rate. Kagagaling ko lang sa Zamboanga kahapon, at iyong reklamo ng mga tao doon, iyong grabe iyong presyo ng bigas. Nagrereklamo iyong ibang tao na kamoteng kahoy na iyong kinakain nila, hindi na sila nakakakain ng bigas. Dapat sana iyong kapangyarihan ng gobyerno dito ginagamit, hindi sa pagsisilensyo ng oposisyon.
Q: Ma’am, will this break the opposition, or will this make you stronger and more aggressive in criticizing the administration?
VP LENI: Iyong sa akin, iyong nangyayari kay Senator Trillanes, lalo niya pang ni-u-unify iyong oposisyon. Lalo pang binibigyan ng dahilan para lalong magkaisa. Kaya ito, para sa akin, maling paraan ito. Iyong paniniwala ko, sa panahon na gipit tayo, sa panahon na dumadaan sa krisis iyong ating bansa, dapat sana mas nagkakaisa. Dapat sana pinagtutulung-tulungan natin kung paano natin mahaharap iyong kahirapan na pinagdadaanan ng ating mga kababayan—hindi iyong aasikasuhin iyong mga politika, iyong aasikasuhin kung paano gigipitin iyong oposisyon. Ito, mariin nating tinututulan.
Q: Anong advice niyo kay Senator Trillanes, Ma’am? Ano pong advice niyo?
VP LENI: Iyong sa akin kasi, alam ko si Senator Trillanes kaya namang depensahan iyong sarili. Iyong sa akin, malaman niya lang na hindi man kami magkapareho ng partido, alam namin na mali iyong ginagawa sa kaniya. At dahil mali iyong ginagawa sa kaniya, nakikiisa kami sa kaniya.
OVP: Okay?
REPORTERS: Salamat, Ma’am!
– 30 –