Office of the Vice President
28 July 2017
Sabang National High School, Calabanga, Camarines Sur
Q: Madam Vice President, gusto kong malaman iyong posisyon ninyo. Una, iyong pag-alis— iyong proposition na alisin iyong CHR. Ikalawa, iyong tungkol sa pag-postpone ng elections sa barangay?
VP LENI: Ako, hindi ako sang-ayon sa pag-abolish ng CHR. Saka kung titingnan natin, bakit ba nakapalaman ito sa ating Konstitusyon? Nakapalaman ito sa ating Konstitusyon dahil sa mahabang karanasan natin ng human rights abuses, na ang nagko-commit sarili nating mga government officials, ang nagko-commit mga kawani ng gobyerno.
Kaya nagkaroon ng CHR para may sandata iyong mahihirap na mayroong kakampi sa kanila, mayroong mangangalaga ng kanilang karapatan kapag sila ay naaabuso, kapag ang kanilang karapatang pantao ay naaabuso ng mga kawani ng gobyerno.
Kung i-a-abolish iyong CHR, parang lalo nating hindi binibigyan ng proteksyon iyong mga dati nang naghihirap sa ating lipunan.
Ano iyong sunod?
Q: Tungkol sa pag-postpone ng barangay elections at iyong planong pag-appoint ng mga barangay officials?
VP LENI: Ako, sang-ayon ako na ma-postpone iyong barangay elections para makapaghanda iyong ating Comelec. Ang hindi ako sang-ayon, iyong appointment, kasi iyong appointment, baka— Nakita na natin, nangyari ito in the past, baka mangyari palakasan.
Mas mabuti sana na iyong mga nakaupo na mamumuno ng ating mga barangay ay iyong taumbayan iyong pumili sa kanila, hindi kung sinong opisyal.
Tayo naman, parang iyong pinaghahawakan ng local officials, iyong mandato ng taumbayan. Mahirap na naninilbihan sila na walang mandato ng taumbayan. Kaya kung ipo-postpone, i-postpone. I-extend na lang iyong term, pero desisyunan na kung kailan iyong barangay elections, para once and for all madesisyunan ito. Pero iyong appointments, hindi ako sang-ayon.
Q: Ma’am, iyong assessment niyo sa pagpapalawig ng martial law. Iyong simula hanggang ngayon, ano iyong assessment niyo sa Duterte government sa ngayon?
VP LENI: Tingin ko kasi wala ako sa posisyon para mag-judge. Maraming mga impormasyon na pinanghahawakan iyong ating Pangulo na wala naman akong access. Pinag-usapan na ito sa Kongreso, pinagbotohan. Palagay ko hindi na din mahalaga, ngayon na tapos na ang botohan, kung tayo ay sang-ayon o hindi. Iyong sa atin na lang, ang ating hinihingi ngayong napalawig iyong period ng martial law, siguraduhin lang na iyong karapatang pantao hindi maaabuso. Siguraduhin lang na lahat ay naaayon sa kung bakit ito pinalawig.
Q: Ano po iyong comment niyo sa nangyayaring looting sa Marawi?
VP LENI: Lahat naman tayo nagdadasal na matapos na iyong labanan sa Marawi, kasi lalo itong tumatagal, lalong naghihirap iyong mga kababayan natin na taga-doon. Maraming mga alegasyon—may mga alegasyon ng looting, may mga ebidensya na ipinapakita—pero iyong kahilingan lang natin, sana hindi mapabayaan ng ating pamahalaan iyong pag-imbestiga kung mayroon nga o wala. At kung mayroon man, siguraduhing mapanagot iyong mga nasa likod nito.
Q: Ngayon po, marami na ring mga bakwit na nandito sa Bicol, sa Naga City, lalong lalo na po dito. Ano po iyong mga puwede nating gawin?
VP LENI: Actually, pagkatapos ko dito sa Calabanga, papunta ako sa Concepcion Pequeña para bisitahin sila. Mayroon tayong kaunting tulong na dala, pero ang tingin ko iyong mas kailangan nila… Kasi iyong tulong na dala natin panandalian ito. Mas tingin kong kailangan na tulong nila, mas pangmatagalan na tulong, at iyon iyong gusto nating i-discuss sa kanila ngayong hapon—anong klaseng tulong iyong kailangan, ano iyong tulong na makakatulong nang pangmatagalan sa kanila, hindi iyong ibinibigay, pagkatapos ng ilang araw, wala na.
Q: Siyempre po iyong Naga City, close sa inyo, hindi po ba kayo nag-aalala for the security ng Naga City?
VP LENI: Ako, very secure naman dito sa atin. Siyempre kailangang mas palakasin natin iyong pag-secure sa ating mga bakwit, kasi alam natin na malaki na iyong pinagdaanan nila. Marami na iyong pinagdaanan, na sana ito iyong kanilang haven. Dapat panatag iyong kanilang kalooban na walang mangyayari sa kanila dito.
Q: Ma’am, nagpalabas po ang Malacañang ngayon, pirmado ni [Executive] Secretary [Salvador] Medialdea, na special non-working holiday iyong August 18 because of Secretary Jesse. Any reaction to that, Ma’am?
VP LENI: Ako, nagpapasalamat tayo. Actually ito na iyong pangalawang pagkakataon, pangalawang pagkakataon na iyong Duterte administration parang kinilala iyong serbisyo na ibinigay noong aking yumaong asawa. Last year, nagpalabas din sila ng ganitong executive order, at ngayong taon, ito ulit. Kaya nagpapasalamat tayo. Malaking bagay para… hindi lang para sa pamilya namin, pero para sa buong lungsod ng Naga na maramdaman na iyong ating pamahalaan ay nakikiisa sa ating lahat.
Q: Thank you po!
VP LENI: Thank you!
– 30 –