Introduction of Vice President Leni Robredo by Rep. Pidi Barzaga
Kabi10nyo: Ipanalo Na10 'to Grand Rally
Dasmarinas Football Field, Dasmariñas City, Cavite
PIDI BARZAGA: Magandang magandang gabi Caviteño. Magandang gabi, handa na ba kayo? Mga kababayan kong taga-Cavite, tayong Caviteño laging nagmamalaki.
Sinasabi natin na ating lalawigan ay lalawigan ng mga matatapang, sapagkat ang Cavite ay isa sa walong lalawigan na naghimagsik noong panahon ng Kastila. Taos na ho natin ding pinapaalala na ang kasarinlan o kalayaan ay pinanganak sa ating lalawigan. Nagdaan ang panahon ng Hapon, muli na naman tayong lumaban at noong 1986, tayo ay muling tumindig para ipaglaban ang katotohanan, ang kalayaan at demokrasya at para wakasan ang batas militar.
Ngayon, tumitindig na naman tayo para sa demokrasya, at higit sa lahat, para sa magandang kinabukasan ng ating mga mamamayan, lalong lalo na sa ating mga kabataan. Sa ating pagtindig, hindi sapat na tayo ay tumayo. Kinakailangan gamitin natin ang ating mga paa, lumakad tayo, gamitin natin ang ating mga kamay, gamitin natin ang ating mga bibig, magsalita tayo at ipaliwanag natin ang kalagayan ng abang Pilipinas.
Magsama-sama tayo at itaguyod natin ang kandidatura ng isang tunay na lingkod-bayan. Walang bahid korapsyon, malinis ang pangalan, nandoon pag panahon ng kagipitan, laging tumutulong sa ating mga kababayan.
Mga Caviteño, handa na ba kayo? Handa na ba kayo? Handa niyo na bang ipanalo ito? Okay, ipanalo na natin ito!
[music video introduction of VP LENI plays]
Mga kababayan, ang pag-asa ng ating kabataan. Ang pag-asa ng ating kinabukasan: si Leni Robredo!
[Rep. Pidi Barzaga, Mayor Jenny Barzaga, Rep. AA Advincula raises hands of VP LENI and Sen. Francis “Kiko” Pangilinan]
[END]