KALAYAAN SA COVID PLAN NI LENI ROBREDO
Magdadalawang taon na tayong sinasakal ng COVID. Sa mga humihingi ng tulong sa aming Tanggapan, nakasalamuha natin ang maraming taong dinidiinan ng pandemya. Dama ko ang dinadaanan nilang pagtitiis, pagdurusa, at pagluluksa.
Kahit na bumaba ang cases, huwag tayong kampante. Para mas mapabilis ang ating tuluyang paglaya sa COVID, ang kailangan: Klaro, malawakan, strategic, at mapagpalayang tugon.
Ito ang ating Kalayaan sa COVID Plan.
Una: Kalayaan sa Pangambang Magkasakit.
Nakakatakot magkasakit. Marami nang nawawalan ng mahal sa buhay. Marami nang nabaon sa utang dahil sa gastos. Kaya bago ang lahat, public health muna. Ang dapat gawin:
Tigil ang korapsyon, tigil ang anomalya. Mahusay at matinong pinuno sa tuktok ng COVID response strategy.
Alaga sa mga nangangalaga. Sapat na sahod para sa frontliners, at sapat na suporta sa mga ospital. Para kung magkasakit ka, makakakuha ka ng atensyong medikal na walang inaalala.
Libre at accessible na healthcare. Libreng konsulta gamit ang teknolohiya. Bawat barangay may sapat na kagamitan at may sariling nurse. Bibigyan natin ng sapat na kakayahan ang mga nurse, doktor, barangay health worker, at iba pang medical frontliner.
Ayusin ang PhilHealth. Mabilis na proseso para makuha agad ang claims.
Bakuna para sa lahat. Papadaliin ng gobyerno para makarating ang bakuna sayo.
Pangalawa: Kalayaan sa Gutom.
Maraming dumadaing sa amin: Mga nawalan ng hanapbuhay o nagsara ang pinapasukan. Isa ang kaba nila: Saan kukuha ng ipapakain sa mga anak nila? Ang dapat gawin para tugunan ito:
Kung may lockdown, may agarang ayuda. Itigil ang malawakang lockdown - dapat ang lockdown, targeted.
Protektado ang trabaho. Suportang pinansyal sa maliliit na negosyo para hindi kailangang mag-layoff. Unemployment insurance, para ang mawawalan ng trabaho, may tulong na makukuha sa gobyerno.
Palakasin ang agrikultura. Gawing sapat ang suporta para mapalago ang kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka. Tiyakin na may pagkain ang bawat Pilipino.
Pangatlo: Kalayaan sa kakulangan sa edukasyon.
Kung walang katiyakan ang edukasyon, kabado rin tayo: Ano na ang natutuhan ng ating mga anak? Paano sila maihahanda para sa kinabukasan?
Sa mga low-risk area, buksan na ang mga eskuwela. Sa mga high-risk area, bigyan ng gadget at load ang bawat estudyante. Dagdagan ang community learning hubs kung saan ang teacher at estudyante may access sa internet at gamit pang edukasyon.
Ito ang ating Kalayaan sa COVID plan. Marami dito, matagal na nating iminungkahi at nagpatakbo na tayo ng mga programa. Panahon na para maipatupad ang mga ito nang malawakan para higit nating mabawasan ang pagdurusa at pagluluksa.
Narating natin ang plano sa pagkokonsulta sa mga eksperto, mga sektor, at higit sa lahat, sa harapang pagsaksi sa dinadaanan ng Pilipino.
Kayang ipatupad ito gamit ang resources at makinarya ng pambansang gobyerno.
Kailangan na nating tuluyang makalaya. Para tayo’y makahinga muli.
Inaanyayahan ko ang lahat na tumungo sa lenirobredo.com para sa mga detalye ng ating Kalayaan sa COVID plan.
(END)