Nasilayan natin nitong nagdaang taon ang kuwento ng mga magigiting nating mga kababayan, na gumawa ng kahanga-hangang kabayanihan sa iba’t ibang mga paraan.
Marami sa kanila ay walang takot na nagpahayag ng katotohanan, nagpakita ng pagmamalasakit kahit sa kagalit, at naglingkod para sa kapakanan ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Ngayong 2019, patuloy tayo magkapit-bisig sa ating laban sa kahirapan, karahasan, at kawalan ng hustisya. May mas malalaki pa tayong hamon na dapat harapin para maiangat ang antas ng kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino. Sama-sama tayong magdala ng pag-asa sa bawat komunidad na ating kinabibilangan.
Sa kabila ng lahat ng ito, gawin nating inspirasyon ang giting at tapang ng ating mga kababayan, para sa pagbabago na ating hinahangad para sa ating sarili, para sa ating pamilya, at para sa ating bansa. Panahon ang bagong taon para sa bagong simula, at anuman ang nangyari sa nakaraan, anuman ang landas na ating hinahangad, may pagkakataon pa rin tayong makamit ang kinabukasang ating pinapangarap.
Umaasa ako na magdudulot ng mas magandang kinabukasan ang 2019 para sa ating lahat. Kaya’t bukas-palad nating tinatanggap ang hamon ng darating na taon.
Isang manigong bagong taon sa inyong lahat, mula sa aming pamilya!