Malinaw sa ating kasaysayan na ang prinsipyo ng karapatang pantao ay hindi lang para sa Pilipino, kundi tatak Pilipino. Base rito ang sistema ng batas at pamamahala ng ating bansa at ito ang puso ng ating kultura.
Bahagi ang Pilipinas sa unang 48 na bansang pumirma sa Universal Declaration of Human Rights noong 1948. At kinilala ng Korte Suprema ang mga prinsipyo ng Deklarasyon bilang bahagi ng ating pambansang batas sa susunod na mga taon.
Bukas, ipagdiriwang ng buong mundo ang ika-70 anibersaryo ng pagtaguyod ng United Nations General Assembly sa Deklarasyon. Napakahalaga ng pagdiriwang na ito, sa harap ng mapanghamong panahon na kasalukuyan nating hinaharap.
Kung muling maipapamalas ng ating bansa ang ating malalim na paggalang sa karapatang pantao, ito ay isang makapangyarihang patotoo ng husay ng ating pagiging Pilipino. Ang pagpapahalaga sa bawat buhay, ang respeto para sa dangal ng iba, ang paninindigan para mabigyan ng mabuting pamumuhay ang bawat pamilya—ito ang mga batayang prinsipyo ng UDHR, na kapag tunay nating pag-ibayuhin at palakasin, ay magbubunga ng isang maunlad at malayang lipunan.
Sa paggunita ng ika-70 anibersaryo ng Deklarasyon, nawa’y ito ang ating maging panata: ang pagtaguyod ng karapatang pantao para sa makatao, makabuluhan, at mabuting pagbabago.