MENSAHE NI BISE PRESIDENTE LENI ROBREDO SA ARAW NG EID’L FITR 2022
Assalamualaykum! Isang masaya’t mapagpalang Eid’l Fitr sa lahat.
Higit pa sa pagdiriwang ng pagtatapos ng buwan ng Ramadan, isang makulay na paalala rin ang Eid’l Fitr ng pagkakabigkis ng isang komunidad. Anuman ang ating pananampalataya, malinaw at tagos sa puso ang mensahe ng araw na ito: Na kaakibat ng taimtim na panalangin at pagninilay ang pagkilala sa banal na tungkulin natin bilang mga tagapangalaga ng isa’t isa— bagay na paulit-ulit isinasabuhay ng bawat Pilipino, sa araw-araw man o sa gitna ng mga hamon ng pandemya at sakuna.
Nawa’y palaging magsilbing inspirasyon sa atin ang diwa ng araw na ito: Pagkalinga, pagmamalasakit, at ang walang-kapagurang pagsisikap upang iangat ang buhay ng lahat. Eid Mubarak!AX