MENSAHE NI KGG. LENI ROBREDO PARA SA KAKAMPINK WEDNESDAYS
Hello kakampink! Nandito ako ngayon sa Bicol ilang araw nang umiikot at nakikipag-usap sa mga komunidad. Malinaw sa aming pakikipag-usap na walang pinili ang pandemya. Lahat ng Pilipino, apektado.
Bukas, maglalabas kami ng video. Balangkas ito ng plano para makalaya tayo sa COVID. Base ito sa pakikipag-usap natin sa mga eksperto, kasama na dito ang mga epidemiologist, mga public health consultants, mga ekonomista, at iba pa. Higit sa lahat, hinango natin ang mga solusyon sa aktuwal na karanasan ng mga nurse, ng mga doktor, ng mga empleyado, at karaniwang Pilipinong nagtitiis at nagsasakripisyo, at nagluluksa ngayong pandemya.
Ang pakiusap ko sana sa inyo, sabay ng pagsusuot ng pink bukas: Mag-reach out sa mga nagkasakit, sa mga namatayan, sa mga nawalan ng trabaho at kabuhayan. Mga dumaan sa hirap dahil sa COVID. Damhin ang pinagdaanan nila; ang pangamba at kawalang-katiyakan na nagbibigkis sa ating lahat. Ibahagi ang katotohanan: Kung may malinaw na stratehiyang nagbubukal sa malasakit, makakalaya tayo mula sa pandemya. Sa mga nakasama natin sa COVID response initiatives natin, ikuwento ninyo: Hindi lang pangako ang plano natin. Napatunayan na natin ang kayang gawin ng malinis at maayos na pamamahala.
Malayo pa ang lalakbayin natin, pero magkakasama tayo dito: Walang takot, walang alinlangan, at buong pagmamahal na humahakbang.
Maraming, maraming salamat. Aasahan ko kayo. #