MENSAHE NI KGG. LENI ROBREDO PARA SA KAKAMPINK WEDNESDAYS
Miyerkules na naman bukas. Panibagong araw upang ipalaganap natin ang pink. Hindi lang sa Facebook at Tiktok, hindi lang sa mga caravan at kalsada, kundi sa ating puso, isip, at gawa.
Bago pa lang ako nag-file ng candidacy, ang dami-dami ko nakikitang mga slogans, posters, artwork, mga hashtags! Lahat, gawa ng mga volunteers. At nakakatuwa ang mga mensaheng nakapaloob sa mga materyales na ito.
Gusto ko lang ipakita ang ilan sa kapansin-pansin.
[Poster: Laban Leni] Tama naman. Lalaban talaga tayo. Pero hindi ko lang ito laban, ha? Laban natin itong lahat.
[Poster: Leni Robredo 2022 Husay at Tibay] Ito talagang hair flip na ito parang naging iconic na siya. Pero gusto ko ‘yung symbolism na kinakabit sa kaniya dito. Parang tayong lahat, husay at tibay ang ipinaglalaban.
[Poster: Pit Señor! Kay Leni Kami] Sobrang ganda nito no? Pink na jeepney. Parang pinapakita niya talaga na symbolic siya sa paninilbihan natin na mahusay at matino at malinis ay para talaga dapat sa taumbayan.
[Tote bag: Laban Leni – Husay at Tibay 2022 – Dapat si Leni ] Ito ang daming design ng mga bag. Pero ito na yung nakikita ko ngayon. Parang finger heart. Ito na talaga ‘yung nagiging simbolo ngayon ng mga kakampinks, diba?
[Poster collage of artworks] Ito alam mo, any of these puwede ko na talagang gawing profile picture. Marami akong nakikitang mga tarps ngayon na gawa ng mga volunteers na meron nitong mga artwork na ito at mga designs. Parang ang ganda ko dito sa iba dito, diba?
[Poster: Leni Can Do It!] Ito sa totoo lang, noong nakita ko ito noong una, parang feeling ko talaga, ang lakas-lakas ko. Parang kaya kong gawin ang lahat! Pero ito kasi, tingin ko very symbolic din ito. Kasi kapag babae ka, parang na-eequate ka lagi sa kahinaan, diba? Pero nakita naman natin over the last almost six years: Talagang the last man standing is a woman.
Hindi ko man kayo maisa-isa lahat, gusto kong sabihin na nakikita ko ang mga gawa ninyo. Kayong lahat—na kusang loob na nagvo-volunteer—ang nagpapalakas sa ating People’s Campaign.
May binubuo tayong Robredo’s People Council sa bawat sektor at probinsya para malinaw at organisado ang ating pagkilos. At gaya ng dati, sana sa inyong mga likha at gawa, huwag kalimutang maging pink.
Ang ating mensahe: Ang pink ay hindi lamang kulay. Ang pink ay uri ng pamumuhay. Maging maingat sa pananalita. Magsabi lagi ng totoo. Ipagtanggol ang katotohanan. Huwag magsalita ng masakit sa kapwa. At palaging piliing magmahal. Dahil ang komunikasyon, ginagamit para tayo’y magkaintindihan.
Aasahan ko yan ha, mga kakampinks! #