Mensahe ni Vice President Leni Robredo sa Pagdiriwang ng Araw ng Paggawa
Kasama ang buong sambayanang Pilipino, nakikiisa ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa mga manggagawa ngayong Araw ng Paggawa 2022.
Muli nating pinagtitibay ngayong araw ang dignidad ng paggawa, at ang pagturing dito bilang lampas pa sa pagtawid sa pang-araw-araw na pangangailangan. Alalahanin natin na ang sinumang naghahanap-buhay nang buong puso at katapatan ay nag-aambag hindi lang sa ekonomiya, kundi pati sa pag-abot ng mga pangarap, pagpapatibay ng kapayapaan at katatagan sa mga komunidad, at pagpapalakas sa mga nasa laylayan.
Maisasakatuparan natin ang mga dakilang layuning ito kung ilalagay natin ang kapakanan ng manggagawa sa puso ng ating pamamahala. Sa pagsusulong ng makatwirang pagpapasahod, proteksiyon sa pang-aabuso, at pagbaklas sa mga luma at bulok na kalakaran, matatanggal natin ang mga sagabal sa ating tuloy-tuloy na kaunlaran.
Sa pagdiriwang natin sa ating mga manggagawa, sabay-sabay tayong humakbang patungo sa isang mas maliwanag na kinabukasan: Malaya sa gutom, karahasan, at katiwalian; walang Pilipinong naiiwan.