Mensahe ni VP Leni Robredo para sa Bagong Taon 2022
Kaisa ninyo ang aking pamilya at ang buong Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Panahon ito ng bagong pag-asa, bagong pagkakataon, at bagong lakas para harapin ang bukas. Sabay nito, panahon din ito ng pagbabalik-tanaw sa taong nagdaan, at sa aral na hatid nito: Anumang pagsubok ang hinarap natin, nakaraos tayo dahil sa pagtutulungan at pakikiisa.
Ngayong Bagong Taon, piliin nating magpatuloy sa landas na ito: Makibitbit sa dalahin ng ating kapwa, at magbukas ng loob sa katotohanang magkakarugtong ang karanasan at kinabukasan ng bawat Pilipino. Mas maliwanag at mas maginhawa ang inaasahan nating 2022 dahil mismo sa kaisipang ito—na may lakas tayong maaasahan mula sa isa't isa, at laging sapat ang lakas na ito para maalpasan ang anumang hamon.
Muli, isang mapagpala at puno ng pag-asang 2022 sa inyong lahat.
#