Mensahe ni VP Leni Robredo para sa Ninoy Aquino Day
Ngayong araw, ginugunita natin ang ikatatlumpu’t walong anibersaryo ng pagkamatay ni Ninoy Aquino. May dagdag na kalungkutan ang paggunita natin ngayong taon, dala ng pagpanaw ng anak niyang si PNoy nitong nagdaang Hunyo lang.
Kasama si Pangulong Cory, isang mag-anak silang nagpamalas ng kabayanihan at pagmamahal sa bayan. Binibigyang-pugay natin ngayon ang tapang ni Ninoy nang pinili niyang talikuran ang pansariling kaginhawahan upang ialay ang kanyang buhay sa ngalan ng ating kalayaan. Sakripisyo itong bumago sa takbo ng ating kasaysayan.
Ang hamon sa atin ngayon: Siguruhin na mananatiling buhay ang bunga ng sakripisyong ito. Mula sa pagharap sa mga hamon ng pandemya, hanggang sa paninindigan para sa ating mga karapatan, sa bawat pagkakataon, nawa'y ipakita nating sulit na sulit ang sakripisyo ni Ninoy para sa Pilipino.
Si Ninoy, nanindigan na the Filipino is worth dying for; si President Cory, na the Filipino is worth living for; kay PNoy, the Filipino is worth fighting for. Namatay, nabuhay, at lumaban silang tatlo dahil sa iisang adhikain: Ang adhikain ng lipunang tumatamasa ng ginhawa ng kaunlaran; isang lipunang patas at makatao, kung saan iginagalang ang karapatan at dignidad ng bawat Pilipino. In Ninoy's death, President Cory's life, and PNoy's fight along the straight and righteous path, they collectively pursued this vision; they showed what we all know to be the truth: That the Filipino is worth dreaming for.
Nawa'y patuloy tayong magsikap para tuparin ang pinakamatatayog nilang mithiin para sa Pilipino. Kaisa ako at ang buong OVP family sa paggunita sa pagkabayani ni Senator Ninoy Aquino.
-30-