Mensahe ni VP Leni Robredo sa Araw ng Kabayanihan ni Dr. Jose Rizal
Kaisa ako ng sambayanang Pilipino sa paggunita sa buhay at sakripisyo ng ating pambansang bayani.
Tinatawag tayo ngayong isabuhay ang diwa ng pagka-Pilipinong hinaraya at inakda ni Rizal: Pilipinong nagkakaisa, nakikipagkapwa, at laging nakahuhugot ng lakas mula sa isa't isa; Pilipinong laging may pag-asa, dahil tumutugon at nagmamalasakit sa kapwa. Nawa'y mapaalalahanan tayo ng huling mga salita ni Elias sa Noli Me Tangere, at salubungin ang bukang-liwayway nang hindi nakalilimot sa mga nalugmok sa dilim ng gabi.
Sa ganitong paraan natin tunay na mabibigyang-pugay ang kabayanihan ni Dr. Joze Rizal. Muli, kaisa ninyo ako at ang buong Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa pagdiriwang at paggunita.
#