OVP, tutulong sa mga sundalong naaksidente habang nagbabantay sa seguridad
ni VP Leni sa Basilan
Inatasan na ni Vice President Leni Robredo ang kanyang opisina na magpadala ng tulong sa labing tatlong sundalo ng 17th Scout Ranger Company ng Philippine Army na nasaktan matapos maaksidente habang nagbabantay ng kanyang seguridad sa Basilan nuong Miyerkules, ika-26 ng Enero.
“We are in constant communication with the mother unit of the injured troops, and we are coordinating for any additional support and assistance that the soldiers may still need,” ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.
Dagdag ni Gutierrez, gabi ng Miyerkules nang malaman ni Robredo ang nangyaring aksidente sa mga Scout Ranger. Agad na hiniling ni Robredo sa kanyang staff sa Office of the Vice President (OVP) na alamin ang kalagayan ng mga naaksidenteng sundalo.
“The Vice President immediately asked her ground team to monitor the condition of the soldiers. She is, of course, concerned because she knows the soldiers’ dedication and the sacrifices they make in carrying out their duties,” saad ni Gutierrez.
Nuong araw na iyon, binisita ni Robredo ang Barangay Buahan, isang Yakan weaving community sa syudad ng Lamitan kung saan pinangunahan niya ang inagurasyon ng Angat Buhay Weaving Center. Dinaluhan ng mga Yakan weavers at local government officials ang naturang okasyon. Tinayo ang weaving center dahil sa matagal na panahon ay naghabi ang mga Yakan weavers sa ilalim ng sikat ng araw.
Ang 17th Scout Ranger Company ay bahagi ng area security component para sa pagbisita ng Bise Presidente sa Basilan.
Sa nakalipas na tatlong araw, pinuntahan ni Robredo ang Zamboanga peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi para bisitahin at mag-turnover ang mga proyekto ng Angat Buhay sa ilalim ng OVP. Nagkaloob din siya ng mga COVID-19 antigen test kits at mga COVID care packages sa mga lokal na pamahalaan at sa mga unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP). [End]