PAGPAPAKILALA NI KGG. LENI ROBREDO SA IKA-LABINDALAWANG KASAPI NG SENATORIAL SLATE
Noong ikalabinlima ng Oktubre, pormal kong ipinakilala ang unang labing-isang kasapi ng ating Senatorial Slate sa susunod na halalan. Bago pa man ang petsang iyon, sinisimulan na, kasama ng ating mga kahanay, ang deliberasyon ukol sa kung sino ang magiging ika-labindalawang kasapi ng ating Slate.
Maraming naging konsiderasyon. Pinakinggan natin ang lahat ng mga agam-agam. Pinag-usapan ang kakayahan at kasaysayan ng bawat isa sa mga lumapit upang ialok ang sarili bilang kahanay. Kinailangang suriin ang pagkabuo ng loob nilang makiisa sa ating misyon. Sinabi ko na rin: Gusto ko, ang huling Senador natin, progresibo at kasapi rin ng batayang sektor katulad ng ibang mga kahanay natin.
Ikinagagalak ko ngayong ihayag: Isinusulong ko para sa Senador si Attorney Sonny Matula ng Labor Party Philippines.
Malinaw ang track record ni Attorney Sonny sa paglaban para sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino. Humarap siya sa mga malalaking korporasyon, na ang tanging sandata ay paninindigan at husay sa abogasya. Isinusulong niya ang karapatan ng mga manggagawa—isang adbokasiya na matagal na rin nating ipinaglalaban bago pa man ako pumasok sa pulitika. Bilang labor advocate, sigurado akong ipaglalaban niya kung ano ang tama, mabuti, at makatarungan, hanggang dulo.
Malinaw sa mga usapan namin kung nasaan ang puso ni Attorney Sonny Matula. Para sa kaniya, ang pakikianib sa atin ay hindi isang transaksyon, kundi tungkulin. Ito ang ambag niya sa pagwawaksi ng luma at bulok na pulitikang ugat ng gutom, paghihirap, at pagkamatay ng maraming Pilipino. Malinaw sa kaniya kung gaano kalaki ang nakataya sa susunod na halalan, at walang-alinlangan niyang ipinapahiram sa atin ang kaniyang lakas upang siguruhing sa Mayo, magwawagi ang pamahalaang bago, matino, mahusay, at makatao.
Buo na ang labindalawa: Isang hanay na iba-iba man ang pinanggalingan ay nagkakaisa sa kinabukasang nais patunguhan. Pinagbibigkis tayo ng pangarap at pagmamahal sa bayan. At tulad ng nasabi ko, lahat sila—lahat kami—sa inyo lang, sa taumbayang Pilipino, mananagot.
Inaanyayahan ko ang lahat na ipakita ang puwersa at pagmamahal, at yakapin nang buong-buo si Attorney Sonny Matula. Maraming salamat!
- 30 -