Lubhang nakalulungkot ang nangyari ngayong hapon sa Kamara: ang paghirang ng Majority kay Rep. Danilo Suarez bilang Minority Leader, kahit na isa siya sa mga pangunahing sumuporta at bumoto para sa bagong Speaker.
Malinaw itong paglabag sa mga patakaran ng Kamara, na nagtatakdang ang lahat ng bumoto para sa nanalong Speaker ay bahagi dapat ng Majority. Paano maaasahan ang independence ng ganitong uri ng “Minority,” na binuo, hindi ayon sa takdang paraan, kundi dahil sa pahintulot ng mayorya?
Isa na naman ito sa mga dahilan para sa tuluyang paghina ng ating mga demokratikong institusyon. Ngayon higit kailanman, napakahalagang may malinaw tayong oposisyon. Sa panahon na marami sa ating mga kababayan ang naghihirap dahil sa pagtaas ng bilihin, o kaya’y nagiging biktima ng krimen o pang-aabuso, kritikal na magkaroon ng mga taong titindig at magsasalita para sa kanila.
Pagkakataon sana ito para sa bagong pamunuan ng Kamara na ipakitang handa itong itaguyod ang malaya at makabuluhang diskurso sa pamamagitan ng pagkilala sa isang tunay na Minority. Binigo tayo ng liderato ng Kamara sa pagkakataong ito.
Sa kabila nito, tiwala ako na ang tunay na Minority, sa pamumuno ni Rep. Miro Quimbo, ay patuloy na maninindigan para sa kanilang mga ipinaglalabang karapatang pantao, sa soberaniya ng ating bansa, at sa kapakanan ng mga Pilipinong hindi laging napakikinggan.