Sa lahat ng mga magulang na nakikinig sa atin ngayon, nanawagan po ako sa inyo na bigyang pansin sa lalong madaling panahon ang pagpapabakuna ng ating mga anak at ng buong pamilya laban sa tigdas. Buhay at kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay ang nakasalalay.
Subok na ng mahabang panahon ang bisa ng mga bakunang ito, at walang dahilan para hindi ito gumana kung kailan natin pinakakailangan. Magtulungan po tayo na muling bumalik ang tiwala ng publiko sa wastong pagbabakuna, upang hindi magkaroon ng mas malawakang outbreak ang tigdas at iba pang nakahahawang sakit.
Idineklara na ng Department of Health ang measles outbreak sa Metro Manila at iba pang lugar. Ayon sa DOH, tumaas ng higit sa limang daan porsyento ang mga kaso ng tigdas kumpara sa nakaraang taon. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 2.4 milyong bata pa ang posibleng maapektuhan, dahil hindi pa nakakatanggap ng bakuna para maiwasan ang sakit.
Nakikiisa tayo sa panawagan ng DOH na gawing prayoridad ang pagbabakuna ng mga bata laban sa mga malulubhang sakit. Libre ito sa mga local health centers.
Nababahala tayo sa mga balitang siksikan na ang mga batang may tigdas sa mga pagamutan. Nakakalungkot din ang balita na ilang bata na ang naitalang nabawian ng buhay. Hindi ito panahon para sa pulitika o alitan, panahon ito para sa pagkilos. Bilang isang ina, hindi katanggap-tanggap para sa akin na umabot tayo sa ganito. Pero may magagawa pa tayo.
Pabakunahan na natin ang ating mga anak at mahal sa buhay sa lalong madaling panahon.