Office of the Vice President
13 September 2017
Kabilang tayo sa mga Pilipinong nadismaya at nabahala sa paglaan lamang ng Php 1,000 para sa 2018 badyet ng Commission on Human Rights (CHR). Itinatag ang CHR, sa ilalim ng ating kasalukuyang Saligang Batas, buhat ng malagim na karanasan ng ating bansa sa ilalim ng Diktaduryang Marcos, kung saan talamak ang paglabag sa karapatang pantao. Ang pagkakaroon ng CHR ang isa sa mga mahalagang pansalag laban sa pagbabalik ng rehimeng mapang-abuso sa ating bayan. Ito rin ang pundasyon ng pagtataguyod sa dignidad at karapatan ng bawat Pilipino.
Tila pagbuwag sa CHR ang magiging epekto ng desisyong ito. Nagbabadya ito ng kawalan ng respeto sa ating Saligang Batas at sa karapatang pantao—parehong banta sa demokrasya. Lalo sa konteksto kung saan laganap ang karahasan at patayan, tunay na nakakabahala ang mensaheng ibinibigay ng pagpilay sa mismong ahensyang dapat nagpapatibay ng ating mga karapatan.
Hindi pa tapos ang deliberasyon. Umaasa tayong mananaig ang nararapat sa ipapasang badyet. Sabay-sabay tayong maging mapagmatyag sa magaganap na proseso.
Itinakda ng ating Saligang Batas na dapat manatiling prayoridad ang pagprotekta sa karapatang pantao, lalo na ng mahihirap at walang kapangyarihan. Katungkulan nating pagtibayin ang prinsipyong ito, alang-alang sa kapakanan ng bawat Pilipino.