Pahayag ni Bise Presidente Leni Robredo sa pagbawi ng mga testimonya laban kay Sen. Leila De Lima
Mahigit limang taon nang nakakulong si Senator Leila de Lima, pero kahit isang gramo ng ilegal na droga, kahit isang pahina ng documentary evidence, walang naihain laban sa kanya. Ngayon, pati ang mga testimonyang ginamit na batayan ng pagpapakulong kay Sen. Leila ay isa-isa nang binabawi ng mga nagbigay nito.
Patunay lang ito ng katotohanang matagal ko nang iginigiit: Walang kaso laban kay Sen Leila de Lima. Ang tanging kasalanan niya ay ang magsabi ng totoo at ipagtanggol ang karapatan ng mga kapwa natin Pilipino.
Wala nang dahilan para manatili sa piitan si Sen Leila. Dapat na siyang palayain sa lalong madaling panahon. Kaisa ko ang bawat Pilipinong naniniwala sa hustisya sa panawagan: Free Leila now.
#