This website adopts the Web Content Accessibility Guidelines (WCAG 2.0) as the accessibility standard for all its related web development and services. WCAG 2.0 is also an international standard, ISO 40500. This certifies it as a stable and referenceable technical standard.

WCAG 2.0 contains 12 guidelines organized under 4 principles: Perceivable, Operable, Understandable, and Robust (POUR for short). There are testable success criteria for each guideline. Compliance to these criteria is measured in three levels: A, AA, or AAA. A guide to understanding and implementing Web Content Accessibility Guidelines 2.0 is available at: https://www.w3.org/TR/UNDERSTANDING-WCAG20/

Accessibility Features

Shortcut Keys Combination Activation Combination keys used for each browser.

  • Chrome for Linux press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • Chrome for Windows press (Alt+shortcut_key)
  • For Firefox press (Alt+Shift+shortcut_key)
  • For Internet Explorer press (Alt+Shift+shortcut_key) then press (enter)
  • On Mac OS press (Ctrl+Opt+shortcut_key)
  • Accessibility Statement (Combination + 0): Statement page that will show the available accessibility keys.
  • Home Page (Combination + H): Accessibility key for redirecting to homepage.
  • Main Content (Combination + R): Shortcut for viewing the content section of the current page.
  • FAQ (Combination + Q): Shortcut for FAQ page.
  • Contact (Combination + C): Shortcut for contact page or form inquiries.
  • Feedback (Combination + K): Shortcut for feedback page.
  • Site Map (Combination + M): Shortcut for site map (footer agency) section of the page.
  • Search (Combination + S): Shortcut for search page.
  • Click anywhere outside the dialog box to close this dialog box.

    PAHAYAG NI KGG. LENI ROBREDO UKOL SA KANIYANG KALAYAAN SA COVID PLAN

    PAHAYAG NI KGG. LENI ROBREDO UKOL SA KANIYANG KALAYAAN SA COVID PLAN 

    Magandang umaga.

    2,803,213. Ganito karami ang suma total ng mga nagkasakit mula nang nagsimula ang pandemya hanggang sa huling bilang kahapon. 44,430. Ito naman ang bilang ng mga namatay dahil sa COVID-19 mula noong naitala ang pinakaunang kaso sa bansa.

    Totoo: May mga araw na tila bang umaayos na ang  ating situwasyon. Dalangin nating magtuloy-tuloy na ito. Pero kailangan nating maging mulat na hindi pa tayo tuluyang nakakaraos sa pandemya: Maaaring magkaroon ulit ng bagong variant na magdudulot ng surge. Ayaw nating maipit sa cycle kung saan bababa ang mga kaso, tapos tataas lang ulit, dahil tuwing mangyayari ito, bumibigat din ang bitbit nating pangamba, takot, at kawalang-katiyakan. Tandaan natin na ayon sa pinakahuling assessment ng Bloomberg: Pinakahuli ulit ang Pilipinas sa listahan ng Covid Resilience Ranking sa buong mundo.

    Alam nating lahat ang pakiramdam: 'Yung paninikip ng dibdib dala ng kaba na “kung mahawa ako o ang pamilya ko, saan ko sila itatakbo?” 'Yung takot habang unti-unti nauubos ang ipon natin. Pagkagising, ang unang iniisip ng marami sa atin, “paano ko kaya maitatawid ang pamilya ko sa susunod na araw?” Bago matulog, ang ipinagdarasal natin, huwag naman sanang manahin pa ng mga anak natin ang paghihirap na ito.

    Sa kahabaan ng panahong dinidiinan tayo ng pandemya, tuloy-tuloy ang pakikipag-usap natin sa mga eksperto—ang iba sa kanila kasama natin ngayong umaga—para bumuo ng mas malinaw na istratehiya. Ilang beses na tayong nagpahayag ng mga rekomendasyon sa pambansang pamahalaan. Ilang beses na rin akong sumulat sa mga kasapi ng gabinete upang maglatag ng mga mungkahi. Pero tapos na ang panahon ng pagmumungkahi.  Panahon na para palayain ang sarili mula sa pandemyang ito. Ito ang ating Kalayaan sa COVID plan.

    Pangunahin sa lahat: Kailangang makamtan ang kalayaan mula sa pangambang magkasakit. Para maipatupad ito:

    Una: Tigil ang korupsyon, tigil ang anomalya. Magtatalaga tayo ng mahusay na Secretary of Health. Pipili tayo ng may pananagutan, kayang pasunurin ang buong burukrasya, nauunawaan ang mga proseso, may kaalamang teknikal, at may malasakit sa taumbayan. Patitibayin natin ang sistemang pangkalusugan. Sisiguruhin natin ang isang whole of nation approach kung saan malinaw ang koordinasyon at alam ng lahat ang tungkulin nila sa loob ng mas malawakang istratehiya para tumugon sa pandemya.

    Ikalawa: Alaga sa mga nag-aalaga. Gagamitin ang lakas ng ehekutibo para matiyak na bawat frontliner, pasasahurin nang tama; ang ospital, may sapat na kagamitan tulad ng mga ventilators at kama— para kung may nagkasakit, hindi na sila pipila o itataboy.

    Ikatlo: Libre at accessible na healthcare. Makikipag-partner ang pamahalaan sa mga pribadong service providers—ginagawa na namin iyon ngayon—na may kasanayang palawakin ang telemed consultation service kagaya nga ng aming Bayanihan E-Konsulta. Bawat barangay, dapat may sapat na kagamitan at sariling nurse. Pero higit pa dito, papalakasin at bibigyan natin ng sapat na kakayahan ang mga nurse, doktor, barangay health workers, at iba pang medical frontliners.

    Karugtong nito at ikaapat: Ayusin ang PhilHealth. Tatanggalin ang mga buhol para bumilis ang proseso. Babayaran ng PhilHealth ang mga utang sa mga ospital— perang magagamit ng mga ospital para maalagaan tayo.

    Ikalima: Bakuna para sa lahat. Kahit nasaan ka, gobyerno ang pupunta sa iyo para mapabakunahan ka. Kapag bakunado, nababawasan ang peligrong maospital o mamatay dahil sa COVID. Bakuna lang ang long-term solution sa pandemyang ito, kaya sisiguruhin nating may sapat na pondong nakalaan para mabili ito, at palalakasin ang local health units para mabakunahan nang maayos at masinop ang mga komunidad.

    Ang susunod na kalayaan: Kalayaan mula sa gutom. Hindi lang sakit ang kalaban. Ang kawalan ng trabaho, pagkakabaon sa utang, at takot na walang maipakain sa mga anak natin— sosolusyonan natin ito.

    Kaya ang ikaanim na polisiya: Kung may lockdown, dapat may ayuda. At ang mga lockdown, targeted na lang, at hindi malawakan. Direktang darating ang tulong sa mga apektado. Bubuo tayo ng modernong ayuda network gamit ang teknolohiya. Kapag may lockdown, walang middle man, walang pila; unang araw pa lang, hawak na ninyo ang ayuda.

    Ikapito: Protektado ang trabaho. Ang mga maliliit na negosyo, makakakuha ng tulong-pinansyal para hindi nila kailangang mag-lay-off ng empleyado. Magtatayo tayo ng unemployment insurance system, para ang mawawalan ng trabaho, may matatanggap mula sa gobyerno. Ang mga walang trabaho at arawan ang kita, sasaluhin ng pinaigting na cash-for-work program.

    Ikawalo: Palakasin ang agrikultura. Babaguhin natin ang prayoridad ng pamahalaan mula sa pag-aangkat tungo sa pagpapalakas ng lokal na produksiyon. Mag-aangkat lang kapag malinaw na mayroong kakulangan. Bukod sa kabuhayan para sa mga mangingisda at magsasaka, tinitiyak ko: Dire-diretso ang pag-produce ng pagkain para sa mga Pilipino. Malaking bagay na ka-tandem natin si Senator Kiko, dahil alam nating kabisadong-kabisado niya ang sektor ng agrikultura, pati na ang mga pangangailangan nito.

    Ang unang dalawang kalayaan, tungkol sa agarang lunas sa mga pangambang kinakaharap natin ngayon. Pero nangangamba rin ang marami na baka tumawid pa sa susunod na henerasyon ang epekto ng pandemyang ito. Ito ang bukal ng ikatlong kalayaan: Kalayaan sa kakulangan sa edukasyon. Ang layunin: Tigil ang pangamba para sa ating mga anak; walang-patid na edukasyon, kahit pandemya.

    Kaya ang ikasiyam nating punto: Ligtas na balik-eskuwela  program para sa mga low-risk areas; hindi 'yung one-size fits all na bawal mag-classroom sa lahat kahit iba-iba ang situwasyon sa buong bansa.

    Ikasampu: Kung high risk area, bawat bata dapat may gadget, pati load na pang-internet, para hindi sila mapag-iwanan. Makikipag-partner tayo sa internet service providers at telecommunications providers para mas maraming estudyante ang magkaroon ng libreng internet access sa educational websites at online resources. Para rin sa mga lugar na ito, dadagdagan natin ang mga community learning hubs: Mga espasyong ligtas, may sapat na kagamitan, at may access sa trained tutors ang mga estudyante. Nagagawa na natin ito ngayon pa lang; ise-scale up natin.

    Ito ang sampung punto sa ating Kalayaan sa COVID plan. Ngayon pa lang, nililinaw ko na: Anuman ang madatnan nating discretionary funds pag-upo natin sa puwesto, ididiretso natin lahat ng ito sa COVID response. Dahil masisiguro lang ang tagumpay laban sa pandemya kung all hands on deck ang buong bansa. At nagsisimula ito sa isang lideratong puwedeng pagkatiwalaan; na may malinaw na kumpas at magiging mabuting halimbawa para sa lahat. Kung mayroon nito, mahihimok ang buong burukrasya, mga lokal na pamahalaan, ang pribadong sektor, at ang mga komunidad at indibiduwal na kumilos nang magkakahanay at may iisang direksyon, mulat na ang kaligtasan ng isa ay karugtong ng kaligtasan ng lahat.

    Wala tayong masyadong budget o makinarya, pero marami na tayong natulungan sa buong bansa, dahil naging sentro ng bayanihan ang Office of the Vice President. Alam ito ng napakaraming volunteers na nakatrabaho natin sa ating COVID response initiatives, at alam ito ng lahat ng natulungan natin nitong nakaraang isa't kalahating taon, mula sa libreng shuttle services, bakuna, o swab test, hanggang sa mga PPE na gawa ng lokal na mga mananahi, hanggang sa mga programang pangkabuhayan, hanggang sa libreng gadget, instructional videos, at Community Learning Hubs.

    Hindi lang pangako ang inihahain natin ngayon, kundi malinaw at detalyadong plano para makaraos sa COVID. At napatunayan na natin: Kapag tayo ang nagplano, laging may karugtong na pagkilos— pagkilos na agaran at handang makipagpuyatan, pagkilos na ibinubuhos ang lahat dahil harapang nasasaksihan ang dalahin ng kapwa.

    Totoo: Walang may gusto ng situwasyong ito. Ang tanong nga: Ano ba ang gusto natin? Saan ba natin gustong dalhin ang Pilipinas? Ano ang mga hakbang na kailangang gawin para marating ito? Ang malinaw: Kailangan nating magtalaga ng matino, mahusay, makatao, at mapagmahal na pamumuno, 'yung pamumunong handang ipaglaban ang Pilipino, para makaraos sa pandemya.

    Inaanyayahan ko kayong mangarap at magsikap na maabot ang kolektibo nating mga pangarap: Malalagpasan natin ang krisis na ito. Ang mga nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil sa pandemya, sisiguraduhin nating makakabangon ulit bago sumapit ang susunod na Pasko. Makakapagsalu-salo tayo muli, at kasama ang ating mga mahal sa buhay, sasalubungin natin ang mga darating pang panahon na puno ng pag-asa para sa isang magandang kinabukasan.

    Kinakayang makaraos ng ibang bansa— at kaya rin natin dapat ito. Kailangan lang nating magkaisa at maalala kung sino talaga tayo: Maparaan, matibay ang loob, nagbabayanihan sa harap ng malalaking hamon. Nakatuon ang diwa sa paghahanap ng solusyon. Mapagmahal.

    Buong-buo pa rin ang tiwala ko sa sambayanang Pilipino. Maraming salamat sa inyo.

    Posted in Transcripts on Nov 08, 2021