PAHAYAG NI VICE PRESIDENT LENI ROBREDO PARA SA ARAW NG KAGITINGAN 2021
Sa araw na ito, ginugunita natin ang kagitingan ng mga Pilipinong sundalong lumaban hanggang sa huli at inialay ang kanilang buhay sa ngalan ng ating bayan at kalayaan.
Sa pag-alala natin sa mga bayani ng Bataan at Corregidor, tinatawag tayong tularan, sa sarili nating paraan, ang kanilang pagmamahal sa kapwa Pilipino, ang kanilang pag-asa maging sa pinakamadilim na sandali, at ang kanilang kahandaang magsakripisyo para sa mas nakararami.
Tulad ng Bataan noon, nababalot tayo ng kadiliman ngayon dahil sa pandemya. Marami na sa atin ang nagsakripisyo, ang nagdusa, ang nawalan. Pero paalala rin ang araw na ito: Walang Pilipinong kailangang maging magiting mag-isa. Sama-sama tayo. Tulong-tulong tayo. At sa paggabay ng diwa ng mga bayani ng Bataan at Corregidor, tiwala ako: Madadaig natin ang mga hamon ng panahong ito. Makapagtataguyod tayo, tulad ng pinangarap nila noon, ng bansang mas malaya, mas makatarungan, at mas makatao.
#