12 July 2016
Buo ang suporta ko sa deklarasyon ni Pangulong Duterte na ang kampanya sa pagsupil ng krimen at ipinagbabawal na gamot ay dapat naaayon sa batas.
Subalit sa loob lamang ng halos isang buwan, may naitala nang mahigit isandaang kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa iligal na droga.
Kaisa man tayo sa giyera kontra sa ipinagbabawal na gamot, nababahala tayo sa lumalakas na kultura ng vigilantism at karahasan. Umaasa tayo na sa giyerang ito, hindi nadadamay ang buhay ng mga inosente at mga walang kalaban-laban.
Hinihikayat namin ang mga kaukulang ahensiya na imbestigahan ang mga nasabing insidente. Kung may mapatutunayang sangkot dito, inaasahan natin na sila’y papanagutin sa batas at maparurusahan sa kanilang ikinilos.
Bilang isang abugado at dating prosecutor, nananalig tayo na gagawin ng ating Pangulo ang nararapat.