Para kay VP Leni, walang selective justice mapa-kaalyado man o kalaban
Isusulong ni Vice President Leni Robredo ang mabilis na pagresolba sa mga kaso ng katiwalian tulad ng P10-bilyong pork barrel scam na kinasasangkutan ni Janet Lim Napoles, sakaling siya ay mahalal na Presidente.
Ito ang naging sagot ni Robredo sa tanong ng panelist na si Roby Alampay sa “Panata Sa Bayan: The KBP Presidential Forum” nitong Biyernes, ika-4 ng Pebrero.
Tinanong ng beteranong mamamahayag si Robredo kung siya ay nasiyahan sa naging resulta sa kaso ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) kung saan ilang mga public officials ay pinangalanan bilang mga kasabwat ni Napoles.
"Ready na po ba kayo mag-move on sa PDAF?" tanong ni Alampay.
Ang tugon ni Robredo ay isang matunog na hindi. "Hindi pa tayo ready mag-move on kasi marami pang mga kasong wala pang resolution. In fact, meron ngayon na kumakandidato hindi lang sa national pati na sa lokal na na-involve dito issue ng PDAF,” sagot ni Robredo.
Sinabi ni Robredo na ang sistema ng hustisya at ang proseso ng hudikatura ay kailangang ayusin upang makamit ang mabilis at malinaw na mga resolusyon para sa mga kaso ng katiwalian.
Sa isang follow-up question, ginawang halimbawa ni Alampay ang kaso ni re-electionist Senator Leila De Lima kasunod ng pagpuna sa "double standards, selective justice".
"Dahil may mga listahan na lumabas na kasama ang ka-alyado ni Presidente Noynoy Aquino. Kapag pina-investigate nyo yan, kasama ba ang mga ka-alyado ni ng dating Pangulo?" tanong ni Alampay.
"Wala tayong kikilingan," tugon ni Robredo kung paano niya haharapin ang mga isyu o imbestigasyon na kinasasangkutan ng mga kaalyado. "Kasi sa oras na may kinilingan tayo, magiging failure na lahat. Pag may pinaboran tayo na isang grupo, magiging failure na lahat ginagawa natin. Dito nakasalalay ang tiwala ng taumbayan."
Ang KBP presidential forum ay dinaluhan ng apat pang kandidato: Senator Ping Lacson, Senator Manny Pacquiao, Mayor Isko Moreno, at Leody de Guzman. Si Ferdinand Marcos Jr. ay no-show, na nagdahilan ng conflict of schedule.
Ang forum ay nai-broadcast nang live sa mahigit 300 TV network at istasyon ng radyo sa buong bansa, na may karagdagang mga pandaigdigang livestreaming sa internet. [End]