Kaninang umaga, pinaliwanag ni VP Leni kung bakit ang kaniyang desisyon ay ipagpaubaya muna ang pag-release noong Ulat sa Bayan niya tungkol nga dito sa kaniyang 18 days sa ICAD, dahil sa kaniyang palagay at sa kaniyang pananaw, mas mabuti na sa panahong ito, dahil sa nangyaring lindol kahapon sa Davao del Sur at mga katabing probinsya ay iyon muna ang tutukan natin. Ang focus natin, at ang focus ng Office of the Vice President, ay iyon munang pagbibigay ng tulong at relief efforts doon sa mga lugar at sa mga taong naapektuhan noong lindol.
Pero nabalitaan namin na pagkatapos noong kaniyang press statement na binigay kanina, nagsalita naman ang tagapagsalita ng ating Pangulo, si Secretary Salvador Panelo, at kinukuwestiyon kung bakit ba daw ang tagal noong pag-release noong Ulat sa Bayan ng ating Bise Presidente.
Sa akin, ito lang ang masasabi ko: Kung hindi naiintindihan ni Secretary Panelo kung bakit ipinagpaubaya ng ating Bise Presidente ang pag-release ng report ngayong umaga, pagkatapos noong lindol na nangyari kahapon, siguro totoong wala siyang puso at malasakit para sa ating mga kababayan.
Ang linaw-linaw naman ngayon na ito ay panahon para tayo ay magtulungan. Ito ay panahon para tayo ay tumutok doon sa pagtulong sa ating mga kapatid na naapektuhan ng isang nakapalaking trahedya. Sa mga balitang lumalabas, patuloy pa rin iyong mga aftershocks na pumuputok dito sa mga probinsyang apektado. Hindi pa labas at tapos ang panganib doon sa ating mga kababayan.
So kung hindi niya naiintindihan kung bakit hindi dapat tayo muna magsalita tungkol sa ibang bagay at ilagay ang ating buong atensyon dito sa napaka-importanteng isyu ng pagtulong, ewan ko na lang kung ano ba talaga ang kaniyang binibitbit sa kaniyang puso. Para yatang hindi naman tama na imbes na makiisa siya sa ating Bise Presidente ay tila parang mangungutya pa at gagawin pang okasyon para mag-score ng mga political points, ganoong nasa gitna tayo ng ganitong klaseng trahedya.