Statement of Support from Paring Batangas Para Kay Leni (PARABLE)
Taal Basilica, Taal, Batangas
FR. JOJO GONDA: Magandang hapon po sa inyong lahat. Ang Parable po ay nabuo at tinaguriang “Paring Batangas para kay Leni.” May binago ho kanina, “Paring Barako para kay Leni.” Palakpakan po natin ang mga pari. Medyo di napakinggan– “Paring Barako para kay Leni.”
Ito po ang aming pahayag na nilagdaan po ng 118 na mga pari ng arsediyoses ng Lipa, diocesan and religious. Babasahin naman po natin itong pahayag.
Pagkatapos ng aming sama-samang pananalangin at pagninilay, kaming mga pari mula sa arsediyoses ng Lipa, na kasapi ng Paring Batangas para kay Leni– Parable– ay taos-pusong sumusuporta sa kandidatura ni Vice President Leonor Gerona Robredo para sa pagka-Pangulo ng ating minamahal na bansa, at ni Senator Kiko Pangilinan bilang kaniyang Pangalawang Pangulo, at ang mga kasamahan nilang Senador.
Ang desisyon naming ito ay nag-uugat sa aming tungkulin bilang mga lingkod ni Kristo at ng Simbahan, at ito'y nakabatay sa salita ng Diyos. Bilang naordinahang mga pari, niyayakap namin ang aming tungkulin bilang hari, pari, propeta, upang matularan si Kristo.
Bilang hari, nilalabanan at tinatanggihan namin ang lahat ng kasamaan, kasalanan, at kasinungalingan; lahat ng uri ng katiwalian at pagbaluktot ng katotohanan; pagkakalat ng maling impormasyon; at lalong higit sa pagpipilit na baguhin ang kasaysayan.
Bilang propeta, kami ang boses ng Diyos para sa mga tao. Hindi kami dapat matakot na ipahayag ang katotohanan kahit ito ay masakit tanggapin. Kahit ito ay magdulot ng pagtanggi o hindi pagkaunawa sa amin. Hindi namin maaaring pabayaan na maghari ang kasamaan sa ating mundo, lalo at higit sa ating bansa.
At bilang pari, kami ay tagapamagitan ng Diyos sa mga makasalanan. Ito ay aming desisyon na ibalik ang bawat makasalanan sa Diyos. Narito kami upang gabayan ang mga tao na makapag– maka gawa ng tama, mabuti, at moral sa eleksyon, upang piliin ang mga kandidato na magbibigay ng pag-asa sa ating lahat.
Samakatuwid, aming kusang ipinahahayag ang aming malaya, totoo, at taos pusong pag suporta kina VP Leni at Senator Kiko, at mga kasamahan nila bilang mga karapat dapat at mapagkakatiwalaang mga pinuno.
Ito ay batay sa aming paniniwala na kaya nilang isabuhay ang matapat, malinis at mahusay na pamamahala sa gobyerno. Hinihikayat namin ang lahat at kapwa Batangueño, ang lahat na mga PIlipino na magsagawa ng personal at sama samang pananalangin at pagninilay upang makamit ang moral at malinaw na pagpili sa darating na halalan.
At higit sa lahat, patuloy kaming mangunguna at gagabay sa mga tao sa pagdarasal para sa isang mapayapa, makatotohanan at makabuluhang halalan.
Nilagdaan, isang daan at labing walong mga pari.
[END]