Ika-1 ng Mayo 2017
Nakikiisa ako sa lahat ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo sa pagdiriwang ng “Araw ng Paggawa.”
Sa natatanging araw na ito, muli nating kinikilala at itinataas ang napakahalagang papel at kontribusyon ng mga manggagawa sa ating lipunan at kasaysayan bilang isang bansa.
Panahon din para ating balikan at suriin ang mga repormang naglalayong magbigay ng kapangyarihan sa mga manggagawa. Kabilang dito ang layuning tapusin ang ENDO sa ating bansa at tiyaking hindi naaabuso ng mga kumpanya ang kontraktuwalisyon.
Ang pagtatag ng ating ekonomiya ay bunga ng pagsisikap at pagtitiis ng mga manggagawa. Higit sa pasasalamat, nararapat lamang nating pag-ibayuhin ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan at kapakanan.