Vice President Leni Robredo at the Second Presidential Pilipinas Debates 2022 Part 5
Sofitel Philippine Plaza, Atang dela Rama, Pasay City
[START]
CES OREÑA-DRILON: Presidentiables, please get ready. Ngayon ay dadako tayo sa isang sensitibong usapin: ang karapatang pantao. Ang mauunang sasagot ay si Mr. Ernesto Abella, sunod si Ka Leody de Guzman, at pangatlo si VP Leni Robredo.
Ang Pilipinas ang isa sa mga unang bansa na pumirma at sumang-ayon sa iba't ibang pandaigdigang kumbensyon, tipan, at kasunduan na nagtataguyod ng mga karapatang pantao. Nitong mga nakaraang taon ay naharap ang ating bansa sa mga batikos galing sa mga lokal at banyagang organisasyon dala ng di umano'y pagsasantabi o pagbabalewala ng karapatang pantao.
Naging kontrobersyal ang tinaguriang extrajudicial killings dala ng giyera laban sa droga. Huli sa lahat ay ang patuloy na red-tagging na nagsasantabi sa karapatang mag-organisa ng mga mamamayan. Para sa inyo, gaano kahalaga ang karapatang pantao? Paano mo mababalanse ang mga pangangailangan ng ekonomiya sa pangangalaga sa karapatang pantao? O naniniwala ba kayo gaya ng mga nabanggit ng ilang politiko, na malayo sa bituka ang usapin ng karapatang pantao?
Alright, Mr. Abella. Your time starts now.
[other candidates answer]
CES OREÑA-DRILON: VP Leni.
VP LENI: Napakahalaga ng human rights dahil ito ay inherent. Nabubuhay pa lang tayo, nakadikit na 'yun sa tin. Ito din ay inalienable, walang sinuman ang puwedeng magtanggal sa tin ng ating karapatang pantao. Pero siguro kaya siya malayo sa sikmura kasi hindi masyado naiintindihan na pag sinabi natin ang human rights, ito 'yung pinaka-basic na karapatan nating lahat bilang tao: karapatang mabuhay, karapatang hindi magutom, karapatang makapag-aral nang maayos, karapatan na maging malaya sa pamamahayag, karapatan na pumasok sa mga relationships, mag-asawa, karapatan na i-enjoy niya 'yung kaniyang buhay.
Pero ito, doon sa konsepto ng war on drugs, napakahalaga ng proteksyon ng human rights. At ito ay, gaya ng sinabi kanina, meron itong dalawang bagay. 'Yung prevention saka 'yung treatments, o 'yung cure. ‘Yung prevention marami tayong pwedeng gawin. Kanina na-mention na ni Secretary Abella, na-mention na din ni Ka Leody, na kailangan inaasikaso natin na binibigyan ng maraming opportunities ‘yung mga kababayan natin, lalo na ‘yung mga kabataan, na merong mga productive na ginagawa.
Pangalawa, kailangan i-revisit natin ‘yung ating Dangerous Drugs Law. Nakabase sa best practices sa buong mundo, pinapakita na ‘yung mga bansa na ‘yung patayan ‘yung naging daan ay hindi naman talaga altogether na-resolve yung drug problem sa bansa nila. Dapat tingnan natin: sino ba ‘yung mga naging matagumpay? Ang naging matagumpay, ‘yung tiningnan– halimbawa, ‘yung mga drug users ay kailangan ay community rehabilitation, ‘yung drug addicts, ‘yun yung institutional rehabilitation, ‘yung mga pushers, ‘yun ‘yung talagang dapat parusahan. Dahil pag hindi natin to inayos, hindi natin napapangalagaan yung karapatang pantao ng bawat isa.
[other candidates answer]
[END OF PART 5]