VP Leni humiling sa mga Aklanon supporters na tulungan siyang labanan ang disinformation
Walang pag-aalinlangang sumakay si Bise Presidente Leni Robredo sa likod ng isang pick-up na nagsilbing sasakyan niya sa kabuuan ng kaniyang motorcade habang siya ay nasa Aklan nitong Martes, ika-15 Pebrero, bahagi ng kanyang dalawang araw na biyahe sa pangangampanya sa Western Visayas.
Sinalubong siya ng mga tagasuporta na matiyagang nag-abang sa gilid ng kalsada, habang nagpapalakpakan, at nagwawagayway ng kanilang mga sariling gawang campaign paraphernalia – isang pag-welcome na nagparamdam kay Robredo na tunay na tanggap siya sa probinsya.
Sa pagtitipon ng Robredo People's Council Aklan, na dinaluhan ng tinatayang 5,000 na tagasuporta, naramdaman ni Robredo ang gutom ng mga tao sa pagbabago.
“Bawat pagtitipon padami nang padami ang tao, lalong pataas nang pataas ‘yung energy ng tao. Gusto kong sabihin, ramdam na, ramdam na ‘yung pagnanais na ang pagbabago nasa kamay na talaga ninyo,” sinabi ni Robredo.
Ayon pa kay Robredo, maraming kandidato ang mangangako sa mga botante sa panahon ng kampanya tuwing eleksyon upang makuha ang kanilang mga boto. Pero pinaalalahanan ni Robredo ang kanyang mga tagasuporta na para makamit ang pagbabagong gusto nila, hindi sapat ang pagboto lang sa isang tao: dapat maghanap ang mga botante ng patunay na talagang nagtrabaho ang kandidato para sa ikabubuti ng bayan.
“Na 'yung ating pagboto, huwag tayong magpapadala sa nababasa lang natin o sa naririnig natin. Huwag po tayong papadala sa pagandahan ng pagkalalaki o pagkababae, o pahusayan ng pagsalita. Pero pag nangako ang isang kandidato, parati natin itanong: “Nasaan ang resibo?” paliwanag niya.
Hiniling din ni Robredo sa kanyang mga tagasuporta na samahan siya sa paglaban sa malawakang disinformation at tulungan siya sa pagpapalaganap ng katotohanan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga nabiktima ng fake news.
“Grabe po 'yung disinformation ngayon. Kailangan lumabas tayo sa mga dati nating kausap. Ang tanging puwede nating ilaban sa kasinungalingan, katotohanan,” sinabi ni Robredo.
Para kay Robredo, ang kanyang track record bilang isang public servant ay halimbawa ng malinis at tapat na pamumuno. Ipinagmamalaki niya na nagawa niya ang mga tungkulin at responsibilidad bilang Bise Presidente na higit pa sa inaasahan.
“Sa pinakahuli-hulihan na araw ko bilang Pangalawang Pangulo, taas-noo akong puwedeng humarap sa iyo at sasabihin ko: “ Ginawa ko ang trabaho ko,” saad ni Robredo. [End]