VP Leni, inilatag ang mga haligi ng Gobyernong Tapat, Angat Buhay Lahat sa KBP forum
Ginamit ni Vice President Leni Robredo ang kanyang pambungad na pahayag sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) presidential forum upang balangkasin ang kanyang plataporma at ilatag ang kanyang mga konkretong plano para sa susunod na anim na taon sakaling mahahalal siya bilang Presidente.
Sinabi ni Robredo na malinaw ang kanyang layunin: “Kapag ang gobyerno ay tapat, aangat ang buhay ng lahat.”
Aniya, ang mga haligi ng kanyang plataporma ay ang mga sumusunod: Kabuhayan, Nutrisyon, Seguridad, Kalusugan, Edukasyon at Pabahay, Kalikasan, Imprastraktura and Technolohiya.
Para sa Kabuhayan, sinabi ni Robredo na una niyang tatrabahuin ang maibalik ang tiwala ng mga tao sa gobyerno: “Kapag may kumpiyansa sa sistema ang tao, papasok ang puhunan, lalago ang negosyo, at dadami ang trabaho.”
Para sa Nutrisyon, tututukan ang unang 100 araw ng buhay ng isang bata upang maiwasan ang hindi paglaki dahil sa malnutrisyon (stunting), gagawing institutionalized ang mga programa sa pagpapakain sa paaralan, at pagpapalawak ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino at iba pang mga proyektong kontra-gutom. Palalakasin din niya ang industriya ng pagsasaka.
“Papalakasin natin ang agrikultura, lalo na ang local production para tuloy-tuloy ang kita ng mga magsasaka at mangingisda, at sigurado ang food supply,” saad ni Robredo.
Bilang bahagi ng kanyang Angat sa Seguridad, sinabi ni Robredo na isusulong niya ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, at palalakasin ang national defense sa pamamagitan ng modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa patuloy na paglaganap ng pandemya, ang kalusugan ay lubos na kinababahala ng marami. Kasama sa detalyadong plano ni Robredo ang itaas ang budget sa kalusugan, dagdagan ang mga tertiary hospital sa buong bansa, dagdagan ang mga benepisyo para sa mga frontliner at mga propesyonal sa kalusugan, at pagsisikap na ilunsad ang universal healthcare.
“Ibabalik natin ang tiwala sa PhilHealth, at palalakasin ang community-based healthcare sa mga barangay,” sabi ni Robredo.
Para sa Edukasyon, sinabi ni Robredo na tututukan ang pag-upgrade ng sistema ng edukasyon: “Kapag world-class ang training sa guro, world class ang facilities sa paaralan, at world class ang suporta sa edukasyon, tiyak na world class din ang estudyanteng Pilipino.”
Ang sentro ng programa sa pabahay ni Robredo ay ang paglipat ng mga komunidad na nakatira sa mga lugar na madalas tamaan ng sakuna papunta sa mga lugar kung saan may access sa trabaho at serbisyo. Sinabi niya na isasama ang komunidad bilang partner sa People's Plan.
Kaugnay naman sa kalikasan, sinabi ni Robredo na gagawin niyang disaster-resilient ang mga komunidad, Babawasan niya ang greenhouse gas emissions at itulak na gawing carbon neutral ang Pilipinas.
Sa pagmimina, sinabi ng Bise Presidente na sisiguraduhin niyang may tamang konsultasyon sa mga komunidad, magpapasa ng mga batas na nagdedeklara ng ilang no-mining zone at nagpapakita ng paggalang sa karapatan ng ating mga katutubo.
At sa usapin ng imprastraktura at teknolohiya, sinabi ni Robredo na titiyakin niya ang pagkakaroon ng malinis na tubig, i-digitize ang gobyerno upang matiyak na ang mga serbisyo ay naa-access online.
Sinabi niya na ang isa pang tututukan ay ang transportasyon. "We should be moving people, rather than just cars. Maliban pa dito, bubuo rin tayo ng mga imprastrakturang tututok sa pag-angat ng mga rural areas at may direktang impact sa mga nasa laylayan– hindi lang sa Kamaynilaan,” paliwanag ni Robredo.
Ang KBP presidential forum ay dinaluhan ng apat pang kandidato: Senator Ping Lacson, Senator Manny Pacquiao, Mayor Isko Moreno, at Leody de Guzman. Si Ferdinand Marcos Jr. ay isang no-show, na nagdahilan ng conflict of schedule. Ayon sa KBP, Disyembre pa nuong nakaraang taon nagsimula ang paghahanda para sa forum.
Ang forum ay nai-broadcast nang live sa mahigit 300 TV network at istasyon ng radyo sa buong bansa, na may karagdagang mga pandaigdigang livestreaming sa internet. [End]