VP Leni, isusulong ang mga serbisyo ng gobyerno na magpapagaan sa mga pang araw-araw na hamon sa mga BPO employees
Sinabi ni Vice President Leni Robredo na isusulong niya ang mga serbisyo ng gobyerno na tutugon sa mga hamon na hinaharap ng mga empleyado sa industriya ng Business Processing Outsourcing (BPO) sa araw-araw, at kinikilala niya na ang likas na katangian ng kanilang trabaho ay naiiba sa iba pang mga manggagawa.
Binanggit ng presidential aspirant na isa sa mga pinakamahalagang isyu sa industriya ng BPO ay ang kaligtasan at seguridad ng mga empleyado, lalo na pagdating sa pampublikong transportasyon.
“Primary kasi sa akin yung papaano natin ma-aachieve yung quality of life na dapat ine-enjoy ng mga lahat sa atin even ‘yung mga kagaya ninyo na baliktad ‘yung oras. So ‘yung proposal talaga natin, dapat ‘yung pamahalaan nagpro-provide siya ng transportation na safe, na secure, gumagawa ng mga rota na sinu-suit doon sa mga oras sa paglabas sa trabaho. And ‘yung mga rotang ito, regulated by the government para siguradong ligtas,” ani Robredo.
Kamakailan ay nakipagpulong si Robredo sa mga miyembro ng volunteer groups na binubuo ng IT at BPO professionals para talakayin ang kanyang mga plano para sa industriya sakaling manalo siya sa 2022 elections.
Ang virtual event ay inorganisa ng Robredo People’s Council (RPC) at hinost ng grupong IT & BPO Professionals for Leni sa Zoom, at na-stream sa Facebook page ng grupong BPO Employees for Leni. Mahigit 850 kalahok ang dumalo.
Kinilala ni Robredo kung paano nawawalan ng tulog ang mga empleyado ng BPO para lamang makaabot sa mga government at medical services tuwing umaga dahil sa pagbabago-bago ng kanilang oras ng trabaho.
“Sinisiguro din natin na maraming services ang dapat available sa oras na puwede kayo. Meaning to say, nandoon … lalo na sa mga lugar na may conglomeration of BPO companies. Kailangan may available na services na paglabas ninyo sa opisina o bago kayo pumasok sa opisina, puwede niyo ‘yun ma-avail,” sabi niya.
Bilang pagtugon sa katotohanang halos 60 porsiyento ng mga empleyado sa industriya ng BPO ay mga nagtatrabahong ina, sinabi ni Robredo na ang mga kumpanya ay dapat imandato na magbigay ng mga serbisyo tulad ng daycare, tutoring, at iba pang mga paraan upang mapagaan ang kanilang mga buhay.
“Kung hindi man kaya ng opisina na magkaroon ng sariling daycare service, dapat ‘yung pamahalaan ay mag-provide … para lang ma-encourage ‘yung mga nanay na puwede pa siyang magtrabaho kasi may mapapag-iiwanan siya ng anak niya,” sabi ni Robredo.
“Dapat ‘yung services na ‘yun available para nakakapagtrabaho tayo ng mapayapa … kasi may masasandigan tayo na mga services ng pamahalaan para sa pamilya natin,” dagdag ni Robredo. [End]