VP Leni, kasangga ng mga taga-Boracay sa laban kontra BIDA bill
Nanindigan si Vice President Leni Robredo nitong Miyerkules, ika-16 ng Pebrero, laban sa Boracay Island Development Authority (BIDA) bill na nakasalang ngayon sa Kongreso dahil nararapat na kabahagi ang mga residente sa pagdedesisyon patungkol sa isla at mga polisiyang ipatutupad sa lugar.
Sinabi ito ng presidential candidate sa isang multisectoral assembly na dinulahan ng mga negosyante, mangingisda, bangkero, tourist guides, photographers at iba pang mga mamamayang naninirahan sa Boracay.
“Dahil kayo ‘yung nakakaalam ng isyu, hindi pupuwedeng ipasa sa Kongreso ang maging batas ‘yung BIDA bill na hindi kayo pinapangkinggan,” sabi ni Robredo.
Layunin ng BIDA bill na gumawa ng Boracay Island Development Authority, isang government-owned and -controlled corporation (GOCC), na mangangasiwa sa pagbuo ng Boracay Island Development Zone, sakop ang buong isla ng Boracay at mga kalapit na lugar, kabilang ang Barangay Caticlan.
Iginiit ni Robredo na ang panukalang batas na ipinasa ng Kamara at ngayon ay nakasalang sa Senado ay hindi tumutugon sa pagtutol ng mga residente sa isang GOCC, na tumataliwas sa prinsipyo ng desentralisasyon alinsunod sa Local Government Code.
Sa halip, mas gusto nila na isang regulatory agency ang klase na sasagot sa mga isyu sa kanilang lugar, kabilang ang mga patakaran, pagpataw ng buwis at pagharang sa pagpasok ng mga casino.
“Sa kahit anong batas, kahit anong programa ng pamahalaan, hindi pupwedeng makikialam ang pamahalaan, sasabihin niya, ‘ganito ‘yung dapat na solusyon sa problema diyan,’ kung hindi niyo nga kinonsulta ‘yung taga-dito,” dagdag niya.
Samantala, bahagi ng mga aktibidad ni Robredo sa Boracay Island ang pagdalaw sa Ati village, kung saan siya nakatanggap ng suporta para sa kaniyang kandidatura sa pagka-Presidente. Maraming beses nang kinailangang lumipat ng tirahan ng mga taga-Ati, na silang mga orihinal na residente ng isla, dahil sa paggamit sa lupa para sa turismo.
Kahit ginawaran ng Certificate of Ancestral Domain Title para sa higit 2.1 ektarya ng lupa sa isla, nakaranas pa rin ng pangha-harass ang Ati community hanggang sa tulungan sila noon ng namapayang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at kabiyak ng Bise Presidente na si Jesse Robredo.
Tiniyak naman ng Bise Presidente na ipagpapatuloy niya ang paglaban para sa kaparatan ng mga taga-Ati sa kanilang ancestral domain at sa pagpapanatili sa kanilang kultura sa kabila ng tuluy-tuloy na mga hakbang para i-develop ang isla bilang isang tourist destination.
“[P]aminsan hindi nakikita ng iba, ang iniisip nila ‘yung sayang na 2.1 hectares kasi pwede sanang mapalago sa negosyo. Ang hindi iniisip na ‘yung kultura niyo mas mahalaga pa sa kahit anong negosyo, na ‘yung inyong kultura, ‘yung pangangalaga dito ay bahagi ng ating pagiging Pilipino,” ayon kay Robredo. [End]