VP Leni, mga electric coop, nagkasundo para sa pagbabago
sa sektor ng elektrisidad
Lumagda ng isang tipan si Bise Presidente Leni Robredo, kandidato sa pagka-Pangulo, nitong Huwebes, ika-3 ng Pebrero, kasama ang Philippine Rural Electric Cooperatives Association (Philreca) na nagbabalangkas ng kanilang plano para sa reporma sa sektor ng elektrisidad sa bansa.
Ipinahayag ng dokumento na susuportahan at poprotektahan ng mga lumagda ang isang lider na may “unquestionable qualifications, untarnished integrity, and ironclad credibility”.
Nabanggit din dito ang pagsusulong ng social equitability sa pamamahala, pagtanggal ng nauulit na buwis sa energy supply chain, ang pagtatatag ng isang Mindanao Power Corporation na pag-aari ng mga electric cooperative (EC) at mga member consumer owner (MCO), at ang pagsuporta ng lahat ng partido sa isang plataporma ng pamamahala na nakasentro sa people empowerment.
Si Robredo ay isang kampeon ng pagpapalakas ng mga EC at kanilang mga MCO bilang sus isa pag-unlad ng sektor ng enerhiya sa bansa. Ang Philreca ang pambansang asosasyon ng 121 mga EC sa buong bansa na may 14 milyong MCO.
“’Yung pagkakaroon natin ng electric cooperatives ay isa sa pinakamalaking mekanismo para ‘yung pinaka stakeholder sa energy sector ay mayroong boses,” sabi ni Robredo sa grupo. Nangyari ang paglagda sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga.
“Ang sukat lang kung tayo ay bumubuti bilang isang bansa, kung ‘yung mga naiiwan sa baba ay natutulungan natin na tumaas. Sa energy sector, kayo ‘yung magpo-provide ngayon,” dagdag niya.
Nabanggit din ni Robredo ang kanyang pagtutol sa privatization ng mga EC, dahil sa magiging epekto nito sa rural electrification program ng bansa at ang kanyang paniniwala na dapat sumaklolo ang pamahalaan sa mga EC na nahihirapan.
“Totoo na may mga electric cooperatives na may pinagdadaanan na problema at kadalasan ‘yung problema hindi nanggagaling sa loob, pero ‘yung problema nanggaling sa mga circumstances beyond the control of the electric cooperative. Alam natin ‘yon. Pero ang solusyon noon hindi i-privatize. Ang solusyon noon, tulungan para maging resilient sa mga ganitong mga threats,” sabi ni Robredo, na umani ng masigabong palakpakan.
Nangako ang Bise Presidente na susuportahan ang mga EC at bibigyan ng mas malaking boses sa kanyang administrasyon, sang-ayon sa prinsipyo niya na pakinggan ang mga pinakana-aapektuhan ng mga polisiya bago ito ipatupad.
“Panahon na para ‘yung pinaglalaban ninyo ay bigyan ng mas malakas na boses,” sabi ni Robredo, at ipinangako niya na mabibigyan ang sektor ng pagkakataon na makasali sa proseso ng pagpanday ng polisiya ng Department of Energy (DOE). [End]