VP Leni: Mga sagot sa Abunda ‘fast talk’ ay kanyang “honest opinion”
Sinabi ni Vice President Leni Robredo nitong Huwebes, Enero 27 na bagama’t batid niyang ang kanyang mga sagot sa “fast talk” segment sa panayam ni television host Boy Abunda ay maaaring umani ng reaksyon mula sa kanyang mga kapwa kandidato, ang mga ito ay kanyang “honest opinion”.
“Alam ko na may mga mara-ruffle ako na feathers pero tinatanong kasi ako eh. Ayoko naman na sumagot na parang umiiwas, sa akin lang ‘yung tanong, sinagot ko. In my honest opinion, ‘yun talaga ‘yung palagay ko na kailangan ko isagot,” aniya.
Sa panayam ni Abunda noong Miyerkules ng gabi, tinanong ng TV host si Robredo kung bakit hindi dapat iboto ng mga tao ang ibang kandidato pagka-Pangulo at inisa-isa ang mga ito.
Agad namang nagbigay ng reaksyon sina Senador Ping Lacson at dating Senador Ferdinand Marcos, Jr., na anak at kapangalan ng diktador na si Ferdinad Marcos.
Sa isang panayam sa media nitong Huwebes, hiningan ng komento si Robredo ukol sa kanilang reaksyon ngunit sinabi niyang ayaw na niyang pahabain pa ang diskusyon ukol dito.
“Ready naman ako, ready ako pero para mag-react pa sa mga reaction nila, tingin ko hindi naman necessary na,” sinabi ni Robredo.
Sinabi ng Bise Presidente na may mga panayam siya sa susunod na linggo, kasama na ang sa DZRH at DZBB, at pinasalamatan ang mga ito sa pagpapaunlak nila sa kanyang iskedyul.
Kanya ding ipinaliwanag na punong puno ang kanyang kalendaryo dahil sa pangangailangang i-turnover ang mga Angat Buhay projects ng Office of the Vice President (OVP) sa mga benepisyaryo nito bago magsimula ang opisyal na kampanya sa Pebrero 8.
Sinabi din ni Robredo na nakatakda sa Byernes, Enero 28, ang isang pagdinig sa Comelec para sa kanilang petisyon na payagan ang OVP na ituloy ang kanilang mga COVID response initiatives kahit pa official campaign period na.
“Hopefully matuloy kasi ‘yung need talaga nandiyan. ‘Yung hiningi lang naman naming exemptions ‘yung palagay naming kailangan na kailangan ngayon. So ito ‘yung Bayanihan E-Konsulta, ‘yung Vaccine Express, saka ‘yung Swab Cab,” ayon kay VP Leni. [End]