VP Leni, naniniwala na tama ang kanyang desisyon na tumakbo bilang Pangulo
Naging isang mahabang lakbay man ang proseso ng kanyang pagdedesisyon, naniniwala si Vice President Leni Robredo na tama ang kanyang naging pasya na tumakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa darating na May 9 national elections.
“Mahaba ‘yung journey pero I think I made the right decision,” ayon kay Robredo, ang tanging babaeng kandidato pagka-Pangulo, sa The Jessica Soho Presidential Interviews nuong Sabado, ika-22 ng Enero.
Bago ang kanyang deklarasyon nuong ika-7 ng Oktubre, sinubukan ni Robredo na pag-isahin ang oposisyon para magkaroon ng isang kandidato lamang para sa eleksyon.
Kaya lamang, nabigo ang mga pag-uusap. Sinabi ni Robredo kay veteran journalist
Jessica Soho na sa ngayon, lalo na mahirap pag-isahin ang oposisyon dahil lahat na ay
“invested” o nakatuon sa kanilang mga kandidatura.
Pero sabi ni Robredo na kahit pa bigo siya na mapag-isa ang mga presidential contenders, isang tagumpay naman niyang matuturing ang pagkakaisa ngayon ng maraming grupo para sa kanyang kandidatura, kasama na dito ang mga hindi pulitiko.
“At ito ay nagbibigay sa atin ng inspirasyon. Kahit yung mga politicians na kabahagi natin sa kampanya ngayon, iba-ibang partido din yung pinanggalingan,” ani Robredo.
Kahit pangalawa pa rin siya sa mga survey, sinabi ni Robredo na kanyang mapapabuti pa ang kanyang mga numero sa pamamagitan ng suporta ng mga grupo at volunteers na kinakampanya siya.
“Yung ating katunggali, napakalakas ng political machinery, napakaraming resources, yung political might napakalakas. Pero meron kami na wala sila. At yun yung passion, yung commitment, yung dedication ng napakaraming volunteers. And para sa kin, Jessica, walang sinabi yung resources, walang sinabi yung political might sa desire ng taumbayan na lumaban para sa bansa natin,” sabi ni Robredo.
Sa tanong na kung tumakbo ba siya para labanan sa eleksyon ang anak ng diktador na si dating Senador Ferdinand Marcos, Jr., ang sagot ni Robredo, hindi iyon ang kanyang “primary motivation pero that is one of the factors that helped me decide to run.”
Tinanggihan ni Marcos, Jr. ang imbistasyon na lumahok sa interbyu dahil bias daw si Soho laban sa kanya.
Dagdag ni Robredo, isa sa mga rason kung bakit siya ay kumandidato ay dahil tinupad niya ang kanyang pangako sa 1Sambayan, ang koalisyon ng mga grupo na para sa demokrasya. Nagkaroon ng selection process ang 1Sambayan, kung saan kasali si Robredo sa mga pinagpilian na mga kandidato. Ayon kay Robredo, nangako sIya sa 1Sambayan na tatakbo kung siya ang napili nilang kandidato.
Ayon kay Robredo, kung siya ay mahalal na Pangulo, trabaho, kalusugan, at edukasyon ang tatlong magiging prayoridad ng kaniyang administrasyon.
Ang Kalayaan sa COVID Plan at Hanapbuhay Para sa Lahat Plan ni Robredo ay nagbabalangkas ng kanyang detalyadong plano para matugunan ang tatlong prayoridad na ito.
Tinanong ni Soho si Robredo kung handa na ba siya na mahalal sa pinakamataas na posisyon sa bansa, dahil sa lahat ng kumakandidato bilang Presidente, siya ang may pinakamaikling karanasan sa pulitika. Nahalal si Robredo sa Kongreso nuon lamang 2013.
Sagot ni Robredo, bago pa man siya naging pulitiko ay isa na siyang lingkod bayan.
“Development worker ako for a very long time. Talagang ‘yung aking pagsisilbi ay nasa pinaka laylayan ng lipunan. Itong aking ekspiryensya, karanasan sa pakikipagtulungan sa pinaka mahihirap, nadala ko ito at ‘yung mga aral nito noong ako ay nag-congresswoman. Dala dala ko ito noong ako ay nasa Office of the Vice President na. And para sa’kin ito ‘yung mahalaga: na ‘yung nakaupo, ‘yung puso niya nasa pagsilbi talaga sa pinaka mahihirap,” sabi ni Robredo. [End]