VP Leni: STEM research at edukasyon ang susi sa paglago ng ekonomiya
Pinahayag ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang kanyang paniniwala na ang science, technology, engineering, and mathematics (STEM) research at edukasyon ay may malaking matutulong para matugunan ang mga pinakamalaking isyu ng bansa.
Inilatag ni Robredo ang kanyang planong gamitin ang STEM research at edukasyon sa Engineers for Leni Town Hall Meeting na ginawa online nitong Martes, ika-11 ng Enero, at dinaluhan ng lampas 200 katao sa Zoom at pinanood ng 300 sa Facebook Live.
Ibinase ng Bise Presidente ang kanyang plano sa mga mas maunlad na mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), na nagbibigay ng mataas na pondo para sa research and development (R&D) at integrasyon ng STEM sa curriculum ng mga paaralan.
“Right now, kasi 'yung budget natin [for R&D] ay .1% lang… pero kung tingnan natin 'yung ASEAN average between .3 to .5%. So 'yun 'yung gusto natin na habulin na ‘yung minimum na maging R&D budget natin, at .3%,” sabi ni Robredo sa kanyang mensahe sa mga inhinyero.
“‘Yung pangalawa doon, ‘yung sa education, to implement a more integrated STEM curriculum. Again, modeled from progressive ASEAN countries from the high school to the tertiary level which is oriented to focused industries,” dagdag niya.
Ang mga sektor na ito ay ang agrikultura, medisina, community resilience, kalikasan, at enerhiya. Ang mga ito ay pagyayamanin ng paggawa ng mga regional excellence center na tutulong sa kasanayan at kakayahan ng mga manggagawa sa kani-kanilang mga lugar.
Nagpahayag din ng suporta ang Bise Presidente para sa pagsasabatas ng Open Access to Data Act, na magpapalakas sa kapangyarihan ng National Telecommunications Commission (NTC). Ayon sa kaniya, gagawin ito para mapigilan ang mga monopolyo at masiguro na malaya ang daloy ng impormasyon sa pagitan ng iba't ibang kumpanya sa telecom industry.
Sinabi din niya na malaking tulong sana ang naibigay ng National ID system nitong pandemya, pero dahil sa bagal ng pagpapatupad nito, hindi nagamit ng mga ahensya ang centralized database system.
Ang iba pang mga paksa na natalakay ni Robredo sa meeting ay ang pangangailangan na mag-“build back better” sa mga komunidad, lalo na sa mga lugar na apektado ng bagyong Odette na hanggang ngayon ay wala pa rin tubig at kuryente; pagtanggal sa personnel salary cap para sa mga health workers sa panahon ng pandemya; at paggawa ng road map ng sektor ng enerhiya para maabot ang target nito na maging carbon neutral pagdating ng taong 2050. [End]